Fiesta ng Cavite

Kapag nababanggit ang piyesta ng Cavite City, ang unang pumapasok sa isip ng mga Kabitenyo ay ang Nuestra Señora de la Soledad de Porta Vaga. Ang imahen ay matatagpuan sa simbahan ng San Roque.
Punung puno ang paligid ng simbahan kapag ganitong piyesta. Dumarating ang mga debotong Kabitenyo at pati na rin yung mga galing sa malalayong lugar. Sabi nga ng nanay ko na nasa Amerika na ngayon, nami-miss niya daw ang kanyang novena sa Reina ng Kabite.
Tradisyun na para sa mga Kabitenyo ang dumalo sa concelebrated mass na nagsisimula ng 9:30 am. Maraming pari ang nagmimisa at minsan pa ay kasama ang Arsobispo ng Diocese of Imus na sumasakop sa Cavite City. Pagkatapos ng misa, pumipila ang mga tao sa imahen ng Nuestra Señora de la Soledad de Porta Vaga, nananalangin, humihingi ng pabor o dispensa, o simpleng tumutupad sa panata.
Napakahirap lumabas-masok sa simbahan kapag piyesta.
Bukod sa pagdagsa ng tao, marami ding vendors na nagtitinda ng kung anu-ano sa harap ng simbahan. Idagdag pa yung mga jeep na nag-aabang ng pasahero. Talagang parang standstill ang harapan ng simbahan kapag piyesta.
(Nang kunan ni Karla ang mga litratong ito, matagal nang tapos ang misa. Maluwag na ang kalye sa lagay na yan).
Dati-rati, naghahanda ang nanay ko tuwing piyesta. Hindi ko na maalala ang mga putaheng hinahanda niya, pero sigurado akong laging may ube at leche flan. Minsan may macapuno at fruit salad. Minsan magdadala pa ng pagkain ang mga bisitang namimiyesta.
Pagkatapos kumain, mag-aayaya ang lola ko na dumalaw sa iba pang mga kamag-anak. Kakain na naman doon. Bawat bahay na pupuntahan kapag piyesta ay magpapakain kaya dapat mag-iwan ng lugar sa tiyan para sa lahat ng kakainan.
Ngayon, nakikipiyesta na lang kami kasi karamihan ng mga malalapit naming kamag-anak ay nagsipag-abroad na, pati na ang nanay ko na dating punong abala tuwing piyesta. Ang pinuntahan namin ngayon ay si Auntie Linda na aming kapitbahay. May handa silang hipon, friend chicken, dinuguan, mixed veggies, tahong na may salsa (adobo kaya yon?), atsara, potato salad, macaroni salad, fruit salad, at ube. Pinagsaluhan namin ang masarap nilang handa, at pati na rin ang kwentuhan at balitaan tungkol sa mga anak niyang nasa Amerika na rin.











































